Sugatan ang isang 14-anyos na binatilyo matapos magpaputok umano ng warning shot ang isang guwardiya ng resort sa Cordova, Cebu. Ang guwardiya, nagpaputok dahil umano sa mga batang tumalon ng bakod para makapagnakaw.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, sinabing nagtamo ng tama ng bala ng baril ang binatilyo sa kaniyang kanang balakang.
"Nagsagawa kami ng further investigation doon sa ospital. Na-interview naman ang bata. Pinatunayan niya na hindi siya tinutukan ng baril ng security guard. At hindi rin niya alam kung bakit siya tinamaan," sabi ni Police Staff Sergeant Ritchie Abao, investigator ng Cordova Police.
Hindi na naabutan ng mga awtoridad sa isinagawa nilang follow-up operation ang guwardiya, ngunit nai-turn over niya ang service firearm sa kaniyang katrabaho.
Patuloy na hinahanap ng pulisya ang dalawang batang sinasabing nag-"over-da-bakod" sa resort upang malaman kung kasama nila o hindi ang batang nasapul.
Tumindig naman ang tatay ng biktima na walang kinalaman sa pagnanakaw ang kaniyang anak.
Naoperahan na ang biktima at nagpapagaling.
Inihahain na ng pulisya ang reklamong frustrated homicide laban sa guwardiya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
