Timbog ang isang dating kadete na sinibak sa isang military academy matapos magbenta ng ilegal na armas sa isinagawang buy-bust operation sa Bulacan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Martes, mapanonood ang video ng PNP Maritime Group ng pagpayag ng suspek na makipagtagpo sa kaniyang katransaksiyon sa isang gasolinahan.
Ang hindi alam ng suspek, puro pulis ang kaniyang mga katransaksiyon.
Galing sa van kung saan siya nakasakay, inilipat ng suspek sa trunk ng kaniyang kotse ang mga baril, na binalutan niya ng insulation foam.
Ilang saglit lang, nag-abot na ng bayad ang pulis na undercover sa suspek, na nagbigay-senyales na kailangan na siyang arestuhin.
Nagpakilala ang suspek na dating kadete ng military academy na sinipa nang magpaputok ng baril sa loob ng training facility.
Gamit ang social media, nakipagtransaksiyon ang poseur-buyer kung saan nag-alok ang suspek ng baril na may papel, ayon kay Police Major Randy Veran, Station Chief ng PNP Maritime Group Northern NCR.
Sinabi pa ng PNP Maritime Group na ibinibenta lamang ng suspek sa kulang P20,000 ang mga nakuha sa kaniyang armas.
Kabilang dito ang isang 9 mm at .45 pistola at isang M1 Garand Rifle, isang collectible na firearm, na itinuturing na high-powered.
Depende sa piskalya ang piyansa para sa kasong ilegal na pagbebenta ng armas, ngunit tantiya ng pulisya na aabot ito ng kulang P500,000.
"Sa korte na lang po ako magsasalita," saad ng nadakip na suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News