Tatlo ang nasawi at isa ang sugatan matapos na magwala at mamaril ang isang lalaki na gumagamit umano ng ilegal na droga sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Eduardo Ramos Taghoy Jr., naaresto matapos gawin ang krimen sa Barangay Maribago.

Sa imbestigasyon ng pulisya, unang pininturya ng suspek ang kapitbahay na si Ngangang Aying. Sunod naman niyang binaril ang lending collector na si Mary Anne Ciño at ikatlong nasawi si Junrey Jamora na bibili sana ng gamot para sa anak.

Isa pang lalaki ang binaril din ng suspek na masuwerteng nakaligtas sa tinamo nitong tama ng bala.

Naaresto naman ang suspek na ayon kay Police Major Bonifacio Pareja, hepe ng Mactan Police Station-LLC, na nagkaroon ng halusinasyon at nakakakita umano ng demonyo.

Inamin ng suspek ang krimen at paggamit niya ng ilegal na droga. Mahaharap siya sa patong-patong na kaso.-- FRJ, GMA Integrated News