Bagaman magiging malaking tulong sana sa kanilang buhay ang P2.4 milyong pera na nasa bag na naiwan ng pasahero sa kaniyang taxi, pinili pa rin ng isang taxi driver sa Iloilo City na dalhin at ipagbigay-alam ito sa pulisya para maibalik sa tunay na may-ari.
Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, ikinuwento ng taxi driver na si Anthony Barredo Aguirre, residente ng Barangay Amparo sa Pavia, Iloilo, na nakauwi na siya nang tumawag ang kaniyang operator at magtanong kung may naiwan na bag sa kaniyang taxi.
Nang suriin ni Aguirre ang passenger side ng taxi, doon na niya nakita ang isang bag na nasa ilalim. Sa halip na pag-interesan, dinala ni Aguirre ang bag sa Police Station
Napag-alaman na pag-aari ng isang Rudy na mula sa Palawan ang bag. Kasama umano niya ang asawa at mga apo nang maiwan ang bag na isang backpack.
“Sa panahon ngayon bihira ka na lang makakakita ng mga honest. Tayo nga na may trabaho, kinukulang tayo financially. So kumbaga, hindi siya nagdalawang-isip na itago o ano. Ang naisip nya, ibalik,” ayon kay Police Captain Lester Oliveros, Police Station 8 chief.
Ayon kay Aguirre, ibinabalik niya ang lahat ng bagay na naiiwan sa kaniyang taxi dahil inilalagay niya ang sarili sa mga taong nawawalan ng bagay.
Kahit na wala umanong ibigay na pera sa kaniya, malaki pa rin ang pasasalamat ni Aguirre na naisauli niya ang pera.
Proud naman si Ma. Elna sa ginawa ng kaniyang mister sa naiwang pera sa taxi.
“Happy ako sa aking asawa. Nakatagpo siya ng pera tapos ibinalik nya kasi hindi naman dahil totoong nangangailangan rin kami, kundi dahil hindi sa amin yon,” saad ng ginang.
Pinuri ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City ang ginawa ni Aquirre at magbibigay sila ng P20,000 sa driver, at kikilalanin siyang "honorary citizen." -- FRJ, GMA Integrated News