Dalawang sundalo ang nasawi, at 12 ang sugatan matapos nilang makaengkuwentro ang mga hinihinalang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Sumisip, Basilan nitong Miyerkoles. Ang sasakyan ng militar, sinilaban pa.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ng 101st Infantry Brigade ng Philippine Army, pinuntirya ng mga suspek ang mga taga-United Nations Development Program na may proyekto sa lugar, at ang escort nilang mga sundalo.
Sinilaban din umano ng mga suspek ang sasakyan ng mga sundalo.
Dinala sa Lamitan district hospital ang ilan sa mga nasugatan bago inilipat sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga CIty.
Kinondena ng lokal na pamahalaan ng Basilan at ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr., ang nangyaring karahasan.
Ayon kay Galvez, gumagawa na sila ng tensyon sa Sumisip, Basilan.
Sinabi ng 101st Infantry Brigade na nakikipag-ugnayan na sila sa MILF.
“Yung tropa ng 32IB were there to provide security while yung tropa natin is moving by vehicles, meron silang narinig that shots were fired. Not necessarily na na-ambush sila, may narinig sila then yung normal reaction ng tropa natin is i-check kung ano yung pinanggalingan ng putok na 'yon kasi nga we are also in strict implementation ng gun ban dito sa area,” ayon kay 101st Infantry Brigade Commander Brigadier General Alvin Luzon sa ulat sa GMA Regional TV News.
Sinabi pa ni Luzon na nang puntahan na mga sundalo ang pinanggalingan ng putok, nalaman nila na may grupo na sangkot sa rido o away ng pamilya.
“Nung mapuntahan ng tropa natin there to check and investigate, nakita nila doon, a chance upon, yung mga lawless element, we consider them lawless kasi itong mga ‘to matagal na ring hinahabol ng tropa na palaging nagrirido sila doon. Meron silang family feuds doon sa adjacent barangay, and doon na nagkaroon ng encounter,” ayon kay Luzon.
Kasabay, mayroon umanong mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang tumulong sa mga armadong grupo na nakaengkuwentro ng militar.
Mariin namang kinondena ni Basilan Representative Mujiv Hataman ang nangyaring karahasan.
"We urge all parties involved to cease armed activities immediately, to consciously review the terms of peace agreements and mechanisms that have been in place for decades, and to conduct a just and thorough investigation following the armed encounter," saad niya sa pahayag.
Naalarma rin ang kongresista na nangyari ang insidente sa pagbisita ng mga kinatawan ng UNDP na sumusuporta sa hakbangin ng kapayapaan sa lalawigan.
"It is no easy task to ensure the safety and security of both lives and livelihoods in the Bangsamoro, hence our demand for a swift investigation and just resolution of the matter. We would also like to extend our deepest condolences to those who have lost their family and loved ones to this incident," ayon pa sa kongresista. -- FRJ, GMA Integrated News
