Inimbestigahan ng pulisya ang viral na video ng asong nakatali sa umaandar na tricycle sa Villanueva, Misamis Oriental.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente noong Martes sa national highway sa Crossing Dayawan.

Umani ng negatibong reaksyon sa netizens ang ginawa ng driver ng tricycle sa aso, na pilit na tumakbo nang mabilis para hindi makaladkad mula sa pagkakatali sa leeg.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang Villanueva Municipal Police Station at Cagayan de Oro City Animal Welfare Society Inc. tungkol sa insidente at natukoy ang may-ari ng aso na ipinatawag sa himpilan ng pulisya.

Ayon sa may-ari ng aso at driver ng tricycle, hindi niya napansin na nakatali pa ang aso sa likod ng sasakyan. Inutusan umano niya ang kaniyang anak na alisin sa pagkakatali ang aso.

Kaagad daw siyang tumigil nang malaman niyang nasa likod ng tricycle ang aso.

Ayon sa pulisya, ipinaliwanag ng may-ari na itinatali nila ang aso sa likod ng tricycle sa gabi bilang bantay laban sa magnanakaw.

Dinala naman ng animal welfare group ang aso sa isang veterinary clinic para masuri.

Ayon kay Isreal Mata, head ng CDO Animal Welfare Society Inc., maayos naman ang kalusugan ng maliban sa gasgas sa paa.

Ibinalik din sa may-ari ang aso, na nangako umanong hindi na mauulit ang insidente. Wala ring kaso na isinampa laban sa kanila.—FRJ GMA Integrated News