Hindi matanggap ng isang pamilya sa Iloilo City ang sinapit ng kanilang alagang aso na itinuring nilang miyembro ng pamilya, pero pinatay sa saksak gamit ang ice pick na kagagawan umano ng isang lalaking dayo lang sa kanilang lugar.
Sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV sa State of the Nation nitong Huwebes, sinabi ni Vilma Ubaldo, may-ari sa asong si "Oreo," na karaniwang lumalabas ng kanilang bahay ang alaga para umihi o dumumi.
Nitong noong Lunes, bumalik ang aso sa bahay na may dugo at hindi nagtagal ay namatay habang hawak ni Vilma.
Nang ipasuri nila ang bangkay ni Oreo, natuklasan na may tama ng saksak ng ice pick ang aso na umabot sa kaniyang bituka, at may bali ang kaniyang tadyang.
Ayon kay Vilma, malambing si Oreo at hindi niya matanggap na bigla na lang itong mawawala.
"Nawala siya sa mga kamay ko pa. Ang sakit, hindi ko matanggap," saad niya.
Batay umano sa kuwento ng mga saksi, sinaksak si Oreo ng isang lalaki na dayo at dumalo lang sa birthday party sa kanilang lugar.
Nagsampa ng reklamo ang pamilya Ubaldo sa barangay at nakaharap nila ang suspek.
"Kung ano ang pumasok sa kaniyang utak, pananagutan na niya 'yan," sabi ni Joe Maloto, chairman sa barangay San Juan.
Desidido naman sina Vilma na sampahan ng kasong paglabag sa Animal Welfare Act ang suspek, na hindi matagpuan para makuhanan ng pahayag.
Muling makakaharap ng pamilya ni Vilma ang suspek sa susunod na linggo sa barangay.-- FRJ, GMA Integrated News
