Nasawi ang isang 67-anyos na lolo habang sugatan ang kanyang 6-anyos na babaeng apo matapos mabangga ng isang SUV ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Labrador, Pangasinan.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV na nakuha ng GMA Regional TV ang pagtahak ng motorsiklong sinasakyan ng mga biktima sa gilid ng kalsada sa Barangay Bungalon.
Kasalubong din nila ang iba pang paparating na sasakyan.
Sa kabilang linya naman, namataan ang pagdating ng isang SUV.
Lumiliko na pakanan noon ang motorsiklo nang masalpok ito ng SUV.
Dumausdos ng hanggang 15 metro ang motor at ang maglolong sakay nito.
Isinugod sa ospital ang dalawa, ngunit pumanaw kalaunan ang lolo samantalang nagtamo ng mga bali sa katawan ang bata.
Lumabas sa imbestigasyon na ihahatid sana ng lolo ang kaniyang apo sa eskuwelahan.
Posible umanong hindi agad napansin ng driver ng SUV ang motor kaya hindi ito nakapreno.
Na-inquest na ang nakabanggang driver.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News
