Ilang magsasaka at grupo ng mga guwardiya ang nagkagirian sa Talisay, Negros Occidental. Ang ugat ng away, ang pananakit umano ng isang guwardiya sa anak ng isang magsasaka.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing pinabulaanan ng security agency ang alegasyon ng grupo ng mga magsasaka.
Pinairal din umano ng mga guwardiya ang maximum tolerance sa kabila ng pagiging marahas umano ng mga magsasaka.
Inireklamo rin ng mga magsasaka ang mga pulis na hindi raw umaksyon sa insidente.
Ayon sa pulisya, wala silang nakitang harassment.
Ipinaglalaban ng mga magsasaka na mabawi ang kanilang lupain mula sa negosyanteng nagrerenta sa kanila.
Sinabi ng mga magsasaka na 2002 nang pumayag silang rentahan ng isang negosyante ang kanilang lupain sa loob ng isang taon.
Ngunit hindi pa rin ibinabalik sa kanila ang lupain, dahilan upang magpadala na sila ng demand letter noong Setyembre 2024.
Sinisikap pa ng GMA Regional TV na makuha ang pahayag ng nagrerenta sa lupain.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News