Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang pulis matapos makabanggaan ng minamaneho nitong motorsiklo ang isang truck sa Davao del Sur.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Police Staff Sergeant Wilfredo Guirre, na nakatalaga sa General Santos City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa parehong direksyon umano ang truck at motorsiklo pero nag-U-turn ang truck kaya nahagip nito ang kasunod na motorsiklo ng biktima.

Tumilapon umano ang rider at idineklarang dead on arrival sa ospital.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck na hindi nagbigay ng pahayag.

Sa Carmen, Cotabato, nasawi naman ang isang Sangguniang Kabataan treasurer nang bumangga ang sinasakyang niyang motorsiklo sa isang truck.

Sa imbestigsyon, pumasok umano sa linya ng truck ang motorsiklo ng biktima at pumailalim ito.

Hindi rin nagbigay ng pahayag ang truck driver na nasa kustodiya rin ng pulisya.-- FRJ, GMA Integrated News