Patay ang isang nurse, habang sugatan ang limang iba pa --kasama ang isang pasyente-- nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang ambulansiya sa Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte nitong Linggo.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyekules, sinabing may lalim na 30 metro ang bangin na binagsakan ng mga biktima.
Ayon sa mga awtoridad, galing sa Pagadian City at papuntang Cagayan De Oro City ang ambulansiya para dalhin ang isang pasyente na nangangailangan ng operasyon.
Pero nawalan ng kontrol ang driver ng ambulansiya dahil sa madulas na daan hanggang sa mahulog sa bangin sa Purok 7, Barangay Dableston.
Ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson, Police Major Joan Navarro, itinuturing accident-prone ang lugar na pinangyarihan ng aksidente.
Nasawi ang nurse na kilalang si Jasper Alcara, habang dinala naman sa ospital ang mga sugatan, kasama ang pasyenteng sakay sa ambulansiya.
Sa social media post, nagpaabot ng pakikiramay si Pagadian City Mayor Sammy Co sa pamilya ng nasawing nurse. Nangako rin siya ng tulong sa mga nasangkot sa aksidente.
Hinihintay pa ng pulisya kung magsasampa ng reklamo ang pamilya ng mga biktima laban sa driver ng ambulansiya. -- FRJ, GMA Integrated News
