Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng lalaking dating karelasyon ng kanilang live in partner sa Sta. Barbara, Iloilo. Bago ang krimen, nag-uusap ang biktima at suspek kasama ang babae na kapuwa nila minahal.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, ikinuwento ng babae na itinago sa pangalang "Maymay," na nag-uusap ang suspek at biktima sa kanilang bahay nang biglang bumunot ng baril ang dati niyang karelasyon at binaril ang bago niyang kinakasama.
Nagawa naman ng biktima na makatakbo hanggang sa kalsada na nakuhanan sa CCTV camera. Pero sinundan pa rin siya ng suspek.
Inabutan ng suspek ang biktima at muling pinagbabaril na dahilan ng pagkamatay nito.
Walong tama ng bala ang tinamo ng biktima.
Ayon sa Maymay, sinabihan pa ng suspek ang biktima na wala na siyang sama ng loob at tanggap na ang bagong karelasyon nito.
Nagbilin lang umano ang suspek na mahalin at huwag ipagdadamot sa kaniya ang mga bata na kanilang anak.
Ngunit ayon sa kapatid ng suspek, posibleng nagalit ang suspek dahil walang naging closure nang maghiwalay ng dalawa.
Desidido ang pamilya ng biktima na kasuhan ang suspek na patuloy na tinutugis. --FRJ, GMA Integrated News
