Patay ang kambal na menor de edad sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya matapos sumalpok sa isang van ang sinasakyan nilang motorsiklo.
Sa ulat ng GMA Regional TV News sa GTV Balitanghali nitong Miyerkules, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na magkaangkas ang kambal sa motorsiklo at pareho silang walang suot na helmet.
Hanggang sa nakasalubong at nakabanggaan nila sa papalikong bahagi ng daan ang isang van.
Sa kabila ng nangyari, hindi tumigil ang van. Ngunit sumuko rin umano ang driver nito kinalaunan.
Ang kambal na 16-anyos, tinulungan ng mga dumadaang motorista pero hindi na sila umabot nang buhay sa ospital.
Wala pang pahayag ang driver ng van na nahaharap sa kaukulang reklamo.-- FRJ, GMA Integrated News