Duguan at wala nang ulo ang isang lalaki matapos siyang pagtatagain at pugutan ng isang magsasaka dahil sa kaniya umanong pagnanakaw sa taniman nito sa Malitbog, Bukidnon.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing patay na nang datnan ng mga awtoridad ang lalaki sa Barangay Mindagat.

Lumabas sa imbestigasyon na tumakas ang lalaki nang mahuli siya ng magsasaka sa akto umano ng pagnanakaw.

Inabutan siya ng magsasaka, at doon na siya pinagtataga at pinugutan. Matapos nito, itinapon sa damuhan ang ulo ng lalaki.

Isinalaysay ng sumukong magsasaka na nagawa niya ang krimen dahil sa sobrang galit matapos na ilang beses na siyang pagnakawan ng lalaking kaniyang napatay.

Kalaunan, pinakawalan din ng mga awtoridad ang magsasaka matapos umatras sa pagsasampa ng kaso ang kaanak ng lalaking napatay.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News