Patay ang isang barangay tanod matapos pagbabarilin habang nagpapahinga sa papag o higaan na gawa sa kawayan sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Michael Mararac, 44-anyos, residente ng Barangay San Miguel.

Ayon sa pulisya, nagpapahinga ang biktima nitong Linggo ng umaga nang dumating ang dalawang salarin at pinagbabaril ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Blangko ang pamilya ng biktima sa posibleng motibo sa krimen dahil wala silang alam na kaaway nito.

“Sana po mahuli po gumawa sa papa ko po,” panawagan ng anak ng biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.-- FRJ, GMA Integrated News