Nauwi sa trahediya ang "practice driving" ng isang rider nang isama niya ang 8-anyos niyang pamangkin na babae sa paggamit ng bago nilang motorsiklo sa Minglanilla, Cebu. Ang motorsiklo, natumba sa daan at nagulungan ng truck ang bata.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente noong gabi ng Lunes, February 24, 2025.

Napag-alaman na residente sa Cebu City ang biktima at pumasyal lang sa kaniyang lola dahil long weekend bunga ng Charter Day celebration sa lungsod.

Hanggang sa isama at isakay ng 34-anyos na tiyuhin ang kaniyang pamangkin na biktima para sa practice driving sa bago nilang motorsiklo.

Gayunman, hindi umano ipinagpaalam ng tiyuhin sa ina ang bata na isasama niya ito, at sa lola lang ng bata nagpaalam.

Hindi rin umano alam ng lola na magpupunta ang kaniyang anak at apo sa Minglanilla.

Sa imbestigasyon ng Minglanilla Traffic Commission na pinamumunuan ni Glenn Antigua, lumitaw na nawalan ng balanse ang tiyuhin na rider kaya natumba ang motorsiklo.

Tumilapon ang bata sa gilid kung saan eksaktong may dumaan na truck na may kargang mga semento at nagulungan ang biktima na agad na namatay.

Humingi ng paumanhin ang driver ng truck sa nangyari at hindi na niya naiwasan ang bata.

Tinanggap naman ng ina ng bata na aksidente ang nangyari at hindi na kakasuhan ang driver basta tulungan na lang sila sa gastusin upang mabigyan ng maayos na libing ang bata. --FRJ, GMA Integrated News