Hinabol hanggang sa maaresto ang isang 16-anyos na lalaki matapos umanong tangayin ang isang baby stroller sa Davao City. Paliwanag ng suspek, para daw sana sa anak niyang sanggol ang stroller.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing kumaripas ng takbo ang suspek nang may makita sa ginawa niyang pagnanakaw.

Nagtago siya sa kapitbahay pero nadakip din ng mga awtoridad.

Sinabi ng pulisya na maliban sa stroller, may ninakaw ding mga damit ang binatilyo.

Lumitaw na namamasukan na helper sa lugar ang suspek.

Nagdesisyon naman ang may-ari ng stroller na hindi na magsasampa ng reklamo laban sa suspek.

Dahil menor de edad ang suspek, ipapaubaya ng pulisya ang pangangalaga sa kaniya sa Davao City Social Welfare and Development Office.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News