Patay sa ambush habang sakay ng SUV ang isang engineer na may construction firm sa Cotabato City. Ang mga salarin, nakatakas sakay naman ng motorsiklo.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nahuli-cam ang nangyaring krimen sa Barangay Rosary Heights 3.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang biktima sakay ng SUV nang pagbabarilin siya ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo.
Isinugod pa ang biktima sa ospital pero hindi na siya umabot ng buhay dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang mga salarin, at inaalam ang motibo sa krimen.--FRJ, GMA Integrated News
