Nasawi sa pamamaril ang dating alcalde ng Lumbaca-Unayan sa Lanao del Sur na si Abdulazis Tadua Aloyodan.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, isinalaysay ng pulisya na pinagbabaril si Aloyodan sa labas ng kanilang bahay ng hindi pa matukoy na salaring sakay ng isang pickup.

Nadala pa sa ospital ang dating alkalde ngunit binawian din siya ng buhay.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang biyuda ng biktima na si incumbent Lumbaca-Unayan Mayor Jamalia Aloyodan.

Kinondena naman ni Lanao del Sur governor Mamintal Alonto Adiong Jr. ang pagpatay sa dating alkalde at ipinarating ang kaniyang pakikiramay sa pamilya Aloyodan. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News