Isang 24-anyos na ginang ang nasawi, habang malubahang nasugatan ang apat na taong gulang niyang anak nang madisgrasya ang sinasakyan nilang motorsiklo na minamaneho ng kanilang padre de pamilya na sugatan din sa Tanjay City, Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahediya noong Martes ng hapon sa national highway sa Barangay Santa Cruz Viejo.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, natumba ang motorsiklo na sinasakyan ng mag-anak. Sinawing-palad ang ginang na natiyempo sa dumadaang bus at nagulungan.

Humingi ng tawad ang driver ng bus sa nangyari, na nakadetine sa himpilan ng pulisya.-- FRJ, GMA Integrated News