Isa pang aso ang tinulungan na gamutin matapos mabiktima ng pamamana sa Murcia, Negros Occidental.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, isang pana ang nakitang nakabaon sa kaliwang binti ng asong si "Bulldog" sa Barangay Caliban.
Hindi naman gaanong malala ang tinamong sugat ni Bulldog, kumpara sa sinapit ng asong si "Tiktok," mula sa Barangay Blumentritt , na limang tama ng pana ang tinamo.
Tinulungan din ng animal welfare advocate na si Dr. Aaron Pabalan, Jr., na gamutin si Bulldog, na siya ring nag-opera kay Tiktok para maalis ang mga pana na may sima.
Nababahala si Pabalan sa insidente na ginagawang target ng pana ang mga aso.
Kinondena ng lokal na pamahalaan ng Murcia ang pananakit sa mga aso at handa umano silang magbigay ng pabuya para mahuli ang nanakit sa mga aso.
Hindi naman binanggit sa ulat kung magkaparehong uri ng pana ang ginamit kina Tiktok at Bulldog.-- FRJ, GMA Integrated News
