Nasawi ang isang lalaki na naglalakad sa bangketa matapos siyang salpukin mula sa kaniyang likuran ng isang SUV sa San Pablo, Laguna.

Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Lunes, makikita sa CCTV footage na naglalakad sa bangketa sa Barangay Ignacio ang biktima nang biglang sumulpot mula sa kaniyang likuran ang SUV na mabilis umano ang takbo.

Sumampa ang SUV sa bangketa at nahagip ang biktima. Dalawang bahay din ang tinamaan ng sasakyan bago ito bumaliktad.

Dinala sa ospital ang biktima pero hindi na umabot nang buhay.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nakatulog umano habang nagmamaneho ang driver ng SUV.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang driver na nahaharap sa kaukulang mga reklamo. — FRJ, GMA Integrated News