Nakuryente ang apat na lalaki na nagkakabit ng solar street lights matapos nilang masagi ang isang live wire sa Cagayan de Oro City. Ang isa sa kanila, nasawi.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabi ng pulisya na naganap ang insidente sa Barangay Bulua nitong Sabado.

Mapanonood sa isang video na isinakay sa ambulansiya ang isang lalaki, habang nakuryente rin ang ilan pa niyang kasama.

Isa naman sa kanila ang halos malapnos ang balat.

Isinugod sila sa ospital. Kalaunan, isa sa kanila ang pumanaw.

"'Yun talaga ang sanhi, 'yung live wire. So siguro hindi nila nasunod ang mga safety precautions ng kanilang trabaho. So 'yun ang sanhi ng insidente," sabi ni Police Lieutenant Colonel Evan Viñas, spokesperson ng COCPO.  — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News