Isang babaeng rider ang nasawi matapos makasalpukan ang isang motorsiklo na minamaneho naman ng rider na napag-alamang walang lisensiya sa Solsona, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nangyari ang salpukan nang mapunta sa linya ng babaeng rider ang nakabanggaan nitong motorsiklo.
Sa lakas ng salpukan nawasak ang motorsiklo ng babaeng rider at kaagad na nasawi ang biktima.
Sugatan din ang angkas niya na isang menor de edad, pati na ang nakabangaan niyang rider, na parehong inoobserbahan ang kondisyon sa ospital. -- FRJ, GMA Integrated News
