Nasaksihan ng maraming tao ang suntukan ng isang traffic enforcer at sinita niyang tricycle driver sa Davao City.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente nitong Lunes ng hapon sa Obrero.

Tumigil lang ang gulo nang may mamagitan na sa dalawa.

Ayon sa ilang saksi, nagalit ang tricycle driver nang sitahin siya ng traffic enforcer dahil sa pagbaba ng pasahero sa gitna ng kalsada na nakakaabala sa daloy ng trapiko.

Ang driver umano ang naghamon ng suntukan sa traffic enforcer, at ang huli naman ang unang nanuntok.

Ayon kay retired Colonel Dionisio Abude, pinuno ng City Transport and Traffic Management Office (CTTMO), hindi nila kinukunsinti ang mga katulad na insidenteng kinasasangkutan ng kanilang mga tauhan.

Ipinatawag umano ang naturang traffic enforcer at pinaalalahanan naman ang iba pa na laging ipatupad ang maximum tolerance sa paggganap sa kanilang trabaho.-- FRJ, GMA Integrated News