Nagtamo ng mga sugat sa ulo, braso at iba pang bahagi ng katawan ang dalawang lalaking magkapitbahay matapos silang magtagaan dahil umano sa away sa lupa sa Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nagtagaan ang dalawang lalaki sa Barangay San Isidro noong Martes.

"Ang motibo nito ay long-standing grudge at away sa lupa. Matagal nang may pinag-aawayan sila tungkol sa lupa kaya ito, nauwi dito sa tagaan," sabi ni Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal Provincial Police Office.

"Na-witness ng isa ring kapitbahay nila. Nagulat na lang may commotion, paglabas niya nakita niya 'yung dalawa na nagtagaan," dagdag niya.

Dahil dito, agad nagtungo sa barangay ang kapitbahay na nakasaksi sa insidente. Ang mga opisyal naman ng barangay, ipinagbigay-alam ito sa pulisya.

Narekober sa crime scene ang ginamit na itak.

Edad 51 at 31 ang dalawang lalaki, na parehong isinugod sa ospital.

Hindi nagbigay ng pahayag ang dalawang lalaki, na parehong magsasampa ng reklamong physical injury laban sa isa't isa, ayon sa pulisya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News