Naudlot ang isang flight sa Iloilo International Airport matapos mag-bomb joke umano ang isang pasahero na may granada ang kaniyang bag.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing palipad na sana sa Maynila ang eroplano gabi ng Martes.

Narinig ng isa sa mga flight crew ang bomb joke ng pasahero at iniulat ito, kaya pinababa muna ang mahigit 170 pasahero.

Tumugon ang mga taga-Aviation Security Unit 6 at sinuri ang mga bagahe sa tulong ng mga K-9 unit, hanggang sa mapatunayang wala namang granada sa mga ito kaya pinahintulutan nang tumuloy ang flight.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang nagbirong pasahero, na sasampahan ng reklamong paglabag sa Anti-Bomb Joke Law.

Maaari siyang makulong ng hindi lalagpas sa limang taon, o magmulta ng hindi hihigit sa P40,000.

Hindi nagbigay ng pahayag ang pasahero. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News