Nasawi ang isang 35-anyos na rider matapos siyang sumalpok sa kasalubong na truck sa Dimiao, Bohol.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV Balitanghali nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage na mabilis ang takbo ng motorsiklo na dire-diretso sa linya ng kasalubong niyang truck.
Tumama ang motorsiklo sa harapan ng truck at kaagad na nasawi ang rider.
Ayon umano sa asawa ng rider, posibleng nakaidlip ang kaniyang mister habang nagmamaneho dahil tatlong araw na itong kulang sa tulog dahil sa lagnat.
Hindi na nagsampa ng reklamo ang misis laban sa driver ng truck at may-ari ng sasakyan matapos ang kanilang pag-uusap. -- FRJ, GMA Integrated News
