Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki na may tama ng baril sa ulo sa gilid ng kalsada sa isang barangay sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nakita ng mga residenteng nag-ulat ang hindi pa na nakikilalang lalaki na nakahandusay sa may Barangay Sudlon Uno.

Nakasuot ang lalaki ng kulay berdeng damit.

Lumabas sa assessment ng mga taga-SOCO na may tama ng baril sa ulo ang lalaki.

Isang empty shell ng bala ang narekober din sa lugar.

Sinabi ng mga residente na hindi nila kilala ang lalaki na tinatayang nasa 50-anyos pataas ang edad.

Hinala ng mga awtoridad, dinala lang sa lugar ang lalaki para patayin. — Jamil Santos/BAP, GMA Intgrated News