Dalawang pulis ang nasawi matapos silang barilin ng target sa buy-bust operation sa Bocaue, Bulacan. Ang baril ng isang pulis, tinangay ng suspek, at ginamit sa pagbaril sa isa pang pulis.
Sa inilabas na impormasyon ng PNP Public Information Office nitong Lunes, kinilala ang mga nasawing pulis na sina Police Staff Sergeants Dennis Cudiamat at Gian George Dela Cruz, parehong nakatalaga sa Bocaue Municipal Police Station.
“We assure the families of our fallen heroes that justice will be served. A full investigation is underway, and an extensive hot pursuit operation is ongoing to track down the remaining suspect responsible for this heinous crime. We will not rest until the perpetrators are held accountable,” saad sa inilabas na pahayag ng PNP.
Sa pahayag na naka-post sa Facebook ng PNP Police Regional Office 3, sinabing nangyari ang insidente noong tanghali ng Marso 8 sa Sitio Tugatog, NIA Road, Brgy. Tambubong.
Ayon sa PNP Region 3, nagsagawa sina Cudiamat at Dela Cruz ng buy-bust operation laban sa bentahan ng ilegal na baril na nauwi sa pagkakapatay sa dalawang pulis.
Sa isang ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa CCTV footage ang pagtakbo ng suspek at hinabol siya ng isang nakasibilyang pulis na sakay ng motorsiklo.
Ang naturang pulis ang unang napatay at kinuha ng suspek ang kaniyang baril at motorsiklo.
Isa pang pulis ang humabol sa suspek pero nabaril din siya at nasawi.
"Ang ginamit na baril ay yung kinuha po niya sa unang pulis na una niya na pong binaril," ayon kay Police Brigadier General Jean Fajardo, Regional Director Central Luzon Police.
Naglaan ng P200,000 na pabuya Central Luzon Police at munisipyo ng Bocaue para sa ikadarakip ng suspek.
"Talagang hindi ito papahuli ng buhay sa tingin namin dahil nga based doon sa information provided ng informant itong magkakapatid ay talagang involved sa pagbebenta ng baril," dagdag ni Fajardo.
Ayon sa pahayag ng PNP Region 3, nagtamo si Cudiamat ng tama ng bala sa ulo. Habang naisugod pa sa ospital si Dela Cruz pero binawian din ng buhay.
Tumakas ang suspek patungo sa Pandi, Bulacan, na patuloy na tinutugis.
Nahuli naman ang isa pang target na kapatid ng nakatakas na suspek, na residente rin ng Pandi. -- FRJ, GMA Integrated News
