Nauwi sa krimen ang pustahan sa laro sa basketball matapos pagsasaksakin at mapatay ang isang 32-anyos na biktima sa Barangay Talang, San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Jerick Pasillao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing naglaro ng basketball ang biktima at ang anak ng suspek.

Nagsimula umano ang komosyon nang hindi magbayad ang anak ng suspek sa puntahan nito sa biktima.

“After ng hindi pagkakasundo, hindi nagbayad ‘yung anak ng suspek, nagkagulo sila at doon na sumingit ‘yung ama ng bata para patayin ‘yung biktima natin,” ayon kay Police Captain McKinley Mendoza, Duty Officer ng San Carlos City Police Station.

Nagtamo ng mga saksak sa tiyan ang biktima at pumanaw sa ospital.

Tumakas naman ang suspek na patuloy pang hinahanap ng mga awtoridad.

Nanawagan naman ng hustisya ang mga kaanak ng biktima.

“Hustisya lang naman ang gusto namin. Pagbayaran lang nila ‘yung ginawa nila sa pamangkin ko,” sabi ni Aladin Bulatao.

“Hindi kami papayag na hindi sila mapanagot sa ginawa nila sa apo ko. Makulong sila nang habambuhay,” ayon naman sa lola ng biktima na si Teng Bulatao.-- FRJ, GMA Integrated News