Nasawi ang isang mag-asawa matapos aksidenteng masagi ng babae ang alambreng bakod na nakakonekta sa live wire at madamay ang kaniyang mister na tinangka siyang sagipin sa Janiuay, Iloilo.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na nasa kanilang taniman ang mag-asawa na katabi ng manukan upang magtabas ng damo.

Ang bakod ng manukan, nakakabit sa live wire bilang pangonta umano sa mga magnanakaw.

May abisong inilagay ang may-ari ng manukan ngunit isang metro lang ang layo nito sa bakod.

Ngunit sinabi ng punong barangay na walang permit at hindi nagpaalam ang may-ari ng manukan na maglalagay siya ng live wire sa bakod.

Tumanggi ang pamilya ng mga biktima na makipag-areglo sa may-ari ng manukan.

Sinabi ng pulisya na posibleng reckless imprudence resulting in homicide ang kakaharaping reklamo ng may-ari ng manukan, na hindi nagpaunlak ng panayam. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News