Nasawi ang isang 31-anyos na padre de pamilya, habang sugatan ang kanilang live-in partner at dalawang-taong-gulang nilang anak, matapos na masalpok ng kasalubong na truck ang sinasakyan nilang kolong-kolong o tricycle sa Malasiqui, Pangasinan.
Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay San Julian, nitong Huwebes ng hapon.
Kaagad na nasawi sa insidente si Jomar Rubion, habang dinala naman sa pagamutan ang kaniyang mag-ina.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na naunang nasagi ng nag-overtake na mixer truck ang tricycle ng mga biktima na dahilan para mapunta ito sa kabilang linya ng kalsada, at doon naman nabangga ng nakasalubong na paparating na truck.
Nasa kustodiya ng pulisya ang mga driver ng dalawang truck.
"As of now, i-file muna namin 'yung kaso. Kung halimbawa magkaroon sila ng arrangement, bahala sila, doon na sa korte sila mag-usap-usap, sa piskalya o sa korte sila mag-usap," ayon kay Police Lieutenant Colonel Junmar Gonzales, Officer-in-Charge ng Malasiqui Police Station.
Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawang driver ng mga truck.
Inihayag naman ng isang kaanak ng mga biktima na may pag-uusap tungkol sa nangyari.
"Ano na lang, aareglohin na lang daw... lahat daw, lahat ng danyos, pati sa hospital, 'yun 'yong pinag-uusapan," ani Jordan Lopez. -- FRJ, GMA Integrated News
