Nasawi ang isang 20-anyos na babae dahil sa tinamong sugat matapos hatawin siya ng piko sa ulo ng kaniyang ka-live in na hindi niya umano pinahiram ng cellphone sa Barangay Abunda sa Mabuhay, Zamboanga Sibugay.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktima dahil sa tinamong sugat sa ulo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-away ang dalawa nang tumanggi ang biktima na ipahiram sa 27-anyos na suspek na galing sa inuman ang kaniyang cellphone.

“Lumapit siya sa asawa niya para manghiram ng cellphone, and then, hindi siguro pinahiram, nagkaroon sila ng konting pagtatalo. Habang nagtatalo sila, itong ating suspek ay kumuha ng piko at hinampas yung ating biktima, yung kanyang live-in partner, hinampas sa ulo,” ayon kay Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9) spokesperson, Police Major Shellamie Chang.

Nakaengkuwentro rin umano at nasugatan ng suspek ang kaniyang kapitbahay.

“Nagkaroon naman siya ng parang pagtatalo sa kaniyang kapitbahay na lalaki wherein napag-alaman na meron pala silang personal na issue na prior. Nanlaban yung kanyang kapitbahay doon sa ating suspek at tapos nanlaban naman siya, tumakas na yung suspek natin,”dagdag ni Chang.

Kinalaunan, kusang sumuko ang suspek sa mga awtoridad.

Inaalam din ng mga awtoridad ang alegasyon na may ka-video call umano ang biktima kaya hindi nito maipahiram sa suspek ang cellphone na dahilan para magselos.

“Tinitingnan ng investigator 'yang part na 'yan kung totoong merong ka-video call yung ating biktima,” sabi ni Chang.

Posibleng maharap ang suspek sa reklamong homicide at frustrated homicide charges. Wala siyang pahayag.

Sinisikap naman na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News