Binuweltahan ni Kerwin Espinosa, mayoral candidate sa Albuera, Leyte, ang pahayag ng aktor at kongresista ng Leyte na si Richard Gomez, na gawa-gawa lang ang nangyaring pamamaril sa una habang nangangampanya.

“Hindi naman ‘to acting. Hindi naman ako tulad sa kaniya na artista eh,” sabi ni Espinosa sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo.

Kinukuwestiyon ni Espinosa kung bakit may mga pulis na mula sa Ormoc na nasa Albuera nang mangyari ang pamamaril sa kaniya. Nasugatan si Espinosa, pati na ang kaniyang kapatid at isang menor de edad.

“Bakit nandoon ang mga kapulisan niya? City director pa ang nandoon at mga intel. Sagutin mo ‘yun, Richard Gomez, bakit nandoon? Inutusan mo ba?” tanong ni Espinosa.

Ginawa ni Espinosa ang pahayag dahil sa komento ni Gomez na "scripted" umano ang nangyaring pamamaril sa kandidato na tinamaan sa ibababang bahagi ng balikat na malapit sa dibdib.

“Honestly, para sa akin scripted ‘yung ambush me. Ang pangit ng acting, ang pangit ng pagkagawa,” ni Gomez.

Sinabi rin ni Gomez na kumukuha pa siya ng ibang detalye tungkol sa nangyari.

Nauna nang inihayag ng PNP na pitong pulis-Ormoc ang persons of interest sa nangyari kay Espinosa. 

Nakita ang mga pulis sa isang compound na pinuntahan ng isang sasakyan na biglang umalis malapit sa lugar nang pamamaril nang mangyari na ang insidente.

Naniniwala si Espinosa na pulitika ang motibo sa pamamaril sa kaniya. Kalaban niya sa pagka-alkalde ng Albuera si Leyte Board Member Vince Rama, na ayon kay Espinosa ay asawa ni Karen Torres, na kapatid ni Ormoc City Mayor Lucy Torres-Gomez, na asawa ni Gomez.

Inaasahan na lalabas sa Lunes, April 14 ang resulta ng ballistic sa baril at paraffin tests ng pitong pulis-Ormoc.

“Technically, they were not at the crime scene, and there is currently no direct evidence or testimony identifying who among them may have been involved,” sabi ni Police Colonel Dionisio DC Apas Jr., director ng Leyte Provincial Police Office.

Inalis na sa puwesto si Police Colonel Reydante Ariza, bilang hepe ng Ormoc City Police, habang isinasagawa ang imbestigasyon.

“Ang Leyte Police Provincial Office, it is committed to a thorough, evidence-based, and impartial investigation based on established policies,” ayon kay Police Lieutenant Mary Antonette Espina, spokesperson ng Leyte PPO. — FRJ, GMA Integrated News