Patay ang dalawang criminology student na nagmemeryenda lang matapos silang mapagkamalang sangkot sa isang rambol at barilin nang malapitan sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nahagip sa CCTV ang insidente na nangyari sa isang milk tea shop sa Barangay Paradise 3 nitong Lunes.
Isang lalaki ang lumapit sa mga nakaupong lalaki. Ilang saglit lang, bumunot siya ng baril at pinaputukan ang nakatalikod na lalaki, at sinunod ang katabi nitong nakasumbrero.
Dahi dito, nagtakbuhan ang mga tao sa shop samantalang umaalis ang gunman. Kalaunan, lumapit ang mga taong nakarinig ng mga putok ng baril.
Dead on the spot ang lalaking unang binaril, habang dead on arrival sa ospital ang isa pang biktima, matapos magtamo ng mga tama ng bala sa ulo, ayon sa San Jose del Monte, Bulacan Police.
Bago nito, nangyari muna ang isang rambulan ng ilang kabataan na nakunan din ng CCTV.
Base sa ilang menor de edad na sangkot, nag-ugat ang rambulan matapos mabangga ng isang tricycle ang isang motorsiklo.
Nagkaayos naman umano sa barangay ang mga kabataan sa rambulan. Nanatili ang ilan sa milk tea shop para magmeryenda, hanggang sa doon nila nasaksihan ang pamamaril.
Sinabi ng mga saksi na hindi kasama ang mga binaril sa nangyaring rambulan, kundi napagkamalan lamang ng naghiganting suspek na ama umano ng isa sa mga binatilyong dawit sa gulo.
“Nagulat na lang po kami. Pagdating niya sa ano namin, sinabi niya po, ‘Sino dito 'yung umano sa anak ko?’ Tapos ayun po, hindi pa po nakapagsalita 'yung pinsan ko po tapos 'yung tito ko, bigla na lang po niyang pinaputukan ng baril po. Tapos po sa takot po, nagtakbuhan po kami doon sa loob na po ng milk tea-han,” sabi ng isa sa mga binatilyo.
Kinilala ang mga biktima na si Ray Allen Nevado De Jose, 20 anyos, at Jerry Castillo, 23 anyos, na pawang mga criminology student.
“Binuksan ko na agad, ‘yung anak ko nakatakip ng puting trapal. Nakita ko kung gaano ‘yung mukha ng anak ko duguan ‘yung mukha dito, nakasubsob na ganiyan. Hindi ko kaya man pero… Ang hirap lang talagang tanggapin ‘yung mga gano’n. Ang hirap, ang hirap, sobra, ” sabi ni Roberto Diaz De Jose.
“‘Yung anak ko wala namang kaalam-alam, nagmemeryenda lang, pinatay nila ‘yung anak ko. Napakasakit sa isang ina. Humihingi ako ng hustisya para sa anak ko,” sabi ni Evangeline Castillo, ina ni Jeric Castillo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, residente umano ang suspek ng katabing barangay lang ng pinangyarihan ng insidente.
“Pinuntahan po natin 'yung mismo lugar, subalit hindi na natin nakita doon 'yung suspek. Continuous manhunt operation, double murder po ang harapin niya. Murder case po,” sabi ni Patrolman Marwineto Lucio, investigator, San Jose Del Monte, Bulacan Police.
“Lumabas ka na lang pare kasi hindi rin matatahimik 'yung konsensya mo. Talagang may mga batas tayo na uusig din sa'yo. Hindi ka nila palalagpasin,” mensahe ni Roberto De Jose sa suspek.
Hinahanap pa ang suspek na dati na ring nabilanggo dahil sa pananaksak at pamamaril umano, ayon sa mga nakakakilala sa kaniya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News