Isang Korean ang nasawi matapos barilin sa Korean Town area sa Angeles City, Pampanga noong Linggo, ayon sa lokal na pamahalaan.

Sa isang pahayag nitong Lunes mula sa Angeles City public information office, nakasaad na binaril ang biktima malapit sa isang bangko sa Friendship Highway dakong 1:50 p.m.

"The victim was immediately rushed to the hospital but was later declared dead," ayon sa lokal na pamahalaan.

Idinagdag pa sa pahayag na robbery ang unang impormasyon na lumabas tungkol sa naturang krimen.

"This is the first recorded case involving the death of a Korean national in a shooting linked to robbery in Angeles City," ayon sa LGU.

Ikinabahala ni Mayor Carmelo Lazatin Jr. ang naturang insidente at inatasan ang pulisya na lutasin kaagad ang krimen.

"We will not allow this brutal act to go unresolved. Angeles City must remain a safe place for both locals and foreigners," ayon kay Lazatin.

Sa hiwalay na pahayag, inihayag ng lokal na pamahalaan na nag-alok ang Korean Association Community of Angeles City ng P200,000 bilang pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para matukoy at maaresto ang salarin.

Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang publiko na may nalalaman na makipag-ugnayan sa Angeles City Police Office. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News