Pito ang patay matapos silang pagsasaksakin ng kanilang kasamahan sa loob ng isang panaderya sa Antipolo City, Rizal. Ang suspek na sumuko, sinabing pinagplanuhan umano siyang patayin ng mga biktima kaya inunahan niya.
Batay sa impormasyon mula sa Police Regional Office 4A (PRO 4A) nitong Martes, pinasok umano ng suspek at pinagsasaksak ang mga biktima na natutulog sa loob ng panaderya sa Barangay Cupang.
Ayon pa sa pulisya, mga trabahador sa panaderya ang mga biktima.
Nadiskubre ang kanilang mga bangkay dakong 6 a.m. ng Martes, at 8 a.m. nang iulat sa pulisya ang insidente.
Sumuko naman kinalaunan ang suspek at kaagad siyang inaresto.
Nasa kustodiya siya ng Antipolo Police at Rizal Police Provincial Office, ayon sa ulat ni John Consulta ng ng GMA Integrated News.
Ayon sa suspek, balak umano siyang patayin ng mga biktima sa pamamagitan ng pagtakip ng unan para palabasin sa kaniyang asawa na uuwi mula sa probinsiya na binangungot umano siya.
"Kung hindi lang sana nila ako pinagplanuhan na patayin sa unan para ipaano nila sa asawa ko namatay sa bangungot hindi sana nangyari," ayon sa suspek nang kausapin ng mga pulis.
Isang balisong at isang kutsilyo umano ang ginamit niya sa pagsaksak sa mga biktima.
Pinalo rin umano niya ang mga biktima na gumagalaw pa.
Ayon pa sa suspek, lumaban ang mga biktima pero wala umanong nagawa ang mga ito dahil madilim nang patayin niya ang ilaw.
Binanggit din ng suspek na hatian tungkol sa naturang negosyo ang dahilan kaya plano umano siyang patayin.
"Kasi kapag napatay na ako sa kaniya na yung business namin, hati kasi kami nu'n. Kung patay na ako sa kaniya na mapunta yon," paliwanag niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
