Nasawi ang isang 50-anyos na barangay kagawad na umawat sa gulo nang siya ang saksakin ng suspek na nambastos umano ng isang tindera sa New Lucena, Iloilo.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa isang video na tinatakbuhan ng isang lalaki ang dalawang ibang lalaki na humahabol sa kaniya.

Makikita rin na may dalang panaksak ang isa sa mga humahabol.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nambastos ang suspek ng isang tindera na dahilan para sitahin siya ng iba pang tindera.

Kalaunan, nagkaroon ng komosyon at doon na rumesponde ang barangay kagawad na sinaksak sa tiyan.

Ayon naman sa 36-anyos na suspek, hindi niya intensyong mapatay ang biktima matapos siyang pagtulungan umano ng mga tao.

Mahaharap ang naarestong suspek sa reklamong homicide.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News