Sumalpok sa isang bahay ang isang 10-wheeler dump truck na nawalan umano ng preno sa Teresa, Rizal. Sugatan ang lima katao, kabilang ang tatlong miyembro ng pamilya na nasa loob ng bahay.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay San Gabriel madaling araw ng Martes, kung saan isinalaysay ng driver na nawalan ng preno ang minamaneho niyang truck na may kargang buhangin.
Nagmula sila sa Antipolo at magde-deliver sana sa Morong.
“So pagdating dito sa Teresa, ang sabi ng driver, naramdaman niya na nawalan ng preno 'yung truck niya. So sa sobrang bigat ng truck, dahil puno ng buhangin, hindi niya na-control. Bumangga sa bahay, doon niya naitigil,” sabi ni Police Major Edzel Macasero, Chief of Police ng Teresa Municipal Police Station.
Gumuho ang pader ng nabanggang bahay sa lakas ng impact, habang wasak naman ang unahang bahagi ng truck.
Nasalpok din ang metro ng tubig sa lugar.
Kasama sa mga sugatan sa loob ng bahay ang 59-anyos at 60-anyos na mag-asawa at ang kanilang 25-anyos na anak.
Dahil sa mga gumuhong pader, naging pahirapan ang kanilang paglabas sa bahay. Hindi sila nakadaan sa kanilang harapang gate na naharangan ng truck. Sinagip sila mula sa bubong ng kanilang bahay.
Nagtamo ang mga nasa loob ng bahay ng mga galos at pasa sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Sugatan din ang naipit na truck driver at kasama niyang pahinante, base sa mga unang rumesponde sa aksidente.
Hinuli ng Teresa Police ang truck driver ngunit pinalaya rin kalaunan matapos siyang makipag-areglo sa mga biktima.
“Kinaumagahan, hindi na tinuloy 'yung kaso dahil nagkasundo sila. Nag-promise 'yung driver, pati 'yung may-ari ng truck na babayaran nila ang damage. At 'yung bayarin sa hospital,” sabi ni Macasero. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
