Nagtamo ng mga sugat ang isang magpinsang sakay ng motorsiklo matapos silang ma-hit and-run ng isang SUV na nasa maling linya ng kalsada sa Iloilo.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa isa pang angulo ng CCTV na natanggal pa ang helmet ng angkas sa motorsiklo matapos mabangga ng SUV.

Ayon sa pulisya, sumuko kinalaunan sa Iloilo City Police Traffic Enforcement Unit ang 33-anyos na driver ng SUV. Pero napag-alaman na hindi siya ang may-ari ng sasakyan, kung hindi driver lang ng may-ari nito.

Hindi rin umano alam ng may-ari, na amo ng suspek, na ginamit ang kaniyang sasakyan.

Desidido naman ang magpinsang biktima na magsampa ng reklamo laban sa driver.

Ipinauubaya na ng SUV driver sa kaniyang abogado ang pagsagot sa piskalya hinggil sa insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News