Kasabay na nagtapos ng isang 58-anyos na nanay ang dalawa niyang anak bilang mga senior high school student sa isang paaralan sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing nagsikap ang ginang na si Elma Antonio, na makapagtapos sa pag-aaral dahil sa kaniyang paniniwala na sagot ang edukasyon para makaahon sa kahirapan.

Kasabay pa niyang nagtapos sa Lo-ok Senior High School noong Abril 14, 2025, ang dalawa niyang mga anak na sina James Dean, 28-anyos at Ritchie, 23-anyos.

Pinatunayan ng mag-iina na hindi hadlang ang kahirapan at edad pagdating sa pag-aaral.

Mula sa Albuera sa Leyte ang ma-iina, na lumipat ng Cebu sa hangarin na magkaroon ng mas magandang buhay. Dahil na rin sa paglipat-lipat nila ng lugar, hindi rin kaagad nakapagtapos ng high school ang magkapatid.

Dahil sa pangarap ni Elma na makapagtapos ng pag-aaral, nagtanong siya sa Lo-ok National High School tungkol sa open high school program nito. Isinama na rin niya sa pag-enroll ang dalawa niyang anak na kapuwa may trabaho na rin, at kaniya pang naging kaklase.

Ikinatuwa naman ng kanilang class adviser na si Teacher Rejeal Jumao-as, ang tagumpay na nakamit ng mag-iina kaugnay ng kanilang pagtatapos sa senior high school.

Ayon kay Elma, nasasaktan siya kapag aalala na pumanaw ang panganay niyang anak na hindi nakapagtapos ng pag-aaral.

"Namatay sya na hindi ko man lang siya nagabayan sa pag-aaral," saad ng ginang, na ayaw nang maulit sa natitira pa niyang mga anak ang nangyari.

Inilahad din niya na mababa ang tingin ng iba sa mga taong hindi nakapag-aral.

"Mahirap ang hindi nakapagtapos. Lupa ang tingin sa 'yo [ng mga tao]," dagdag niya.

Dahil sa nakapagtapos na sila ng senior high school, umaasa si Elma na makakahanap sila ng mas maayos na trabaho.

Kasama rin sa plano ng mag-iina na magpatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo.

"Mag-aaral tayo [sa kolehiyo], magdadasal tayo," sabi ni Elma sa dalawa niyang anak.-- FRJ, GMA Integrated News