Walang kalaban-laban na binaril at pinatay ang isang driver ng modern jeepney na naghihintay pumasada sa kanilang terminal sa Antipolo City.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa terminal ng modern jeep sa Barangay Sta. Cruz nitong madaling araw ng Miyerkules.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang salarin na pumasok sa terminal na nakasuot ng helmet, at face mask.
Nilapitan niya ang biktima na nakaupo at abala sa paggamit ng cellphone.
Ilang sandali lang, binaril niya sa likod ng ulo ang biktima.
Napag-alaman na driver ang biktima na dead on arrival sa ospital.
Tumakas naman ang salarin at sumakay sa naghihintay na motorsiklo.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naghihintay na umano ang biktima na makabiyahe bago mangyari ang krimen.
Ayon sa katrabaho ng biktima, wala silang alam na nakaaway nito at wala ring problema sa pag-uugali.
Inihayag naman ng isang opisyal ng barangay na batay sa kuha ng CCTV camera, galing sa lugar ng Masinag ang mga salarin na nakasalakay sa motorsiklo, at doon din patungo matapos gawin ang krimen.
Wala pang pahayag ang pulisya ng Antipolo sa nangyaring krimen habang patuloy pa ang kanilang imbestigasyon at paghahanap sa mga salarin. -- FRJ, GMA Integrated News