Dalawang call center agents ang sugatan matapos gulpihin sa magkahiwalay na lugar, at isang oras lang ang pagitan sa Iloilo City. Hinala ng mga awtoridad, isang grupo lang ang umatake sa mga biktima.Sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV sa GMA News “Saksi” nitong Huwebes, sinabing nangyari ang magkahiwalay na insidente sa magkaibang barangay sa Mandurriao nitong Miyerkules.Ang unang insidente, nangyari pagkaraan ng hatinggabi noong Miyerkoles habang pauwi na ang biktima.Sakay ng dalawang motorsiklo ang mga nanakit sa biktima.“Nag-try rin ako na tumakbo pero inabutan nila ako kasi nasipa nila paa ko. Nang natumba na ako, kinuha ng nila ang mga gamit ko, Nakita ko may kutsilyo pa yung isang lalaki," ayon sa biktimang itinago sa pangalang "Echo.”Pagkaraan ng isang oras, isa na namang insidente ng pambubugbog ang nangyari sa diversion road sa Barangay Bolilao, na call center agent na naghihintay naman ng masasakyan ang biktima. “Ang isa doon na nag-start na suntukin ako sa ulo. After niya, dalawa na sila hanggang naging tatlo na sila. Pinagtulungan nila ako. Hindi ko nga lang nakita ang mukha nila dahil pino-protect ko rin ang face ko. Nagulat na lang ako na maraming dugo na sa bibig ko," ayon sa biktima na itinago naman sa pangalang "June."Ayon sa dalawang biktima, tila mga menor de edad ang mga umatake sa kanila.Hinihinala ng pulisya na isang grupo lang ng kabataan na nangti-trip ang umatake sa dalawang biktima.“May posibilidad na ang nag-tripping sa ating mga biktima is the same or kasama rin doon sa ini-report ng mga residente,” ayon kay Iloilo City Police Office spokesperson Major Shella Mae Sangrines, na patuloy ang imbestigasyon sa insidente.-- FRJ, GMA Integrated News