Nasawi ang isang pulis matapos barilin habang sakay ng motorsiklo sa Sta. Barbara, Pangasinan. Ang salarin, nakasakay din sa hiwalay na motorsiklo at nakatakas.Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si as Police Staff Sergeant Renato Alvarado Jr., miyembro ng inter-operative and drug enforcement team ng kanilang police station.Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakasakay sa motorsiklo si Alvarado nang barilin ng salarin na nakasakay din sa motorsiklo sa Barangay Maningding noong April 19.Naisugod pa siya sa ospital pero binawian ding ng buhay noong April 23 dahil sa tinamong mga tama ng bala.Limang basyo ng bala mula sa kalibre .40 na baril ang nakita sa crime scene.“Masusi pa rin nating iniimbestigahan ‘yung pamamaril sa kaniya. Hopefully ma-solve natin ‘yung case na iyon within a month,” sabi ni Police Colonel Rollyfer Capoquian, Pangasinan Police Provincial Director.Nanawagan naman ng hustisya ang mga kaanak ng nasawing pulis.“Kung sino man ang gumawa, hindi naman siya makapagtatago nang matagal. Nandiyan naman mga kabaro niya na gagawa ng paraan. Sabi nga ni Hepe kahapon, ‘Huwag kang mag-alala, Mommy,’ sabi niya, ‘Gagawin namin lahat,’” ayon kay Beatriz Alvarado, ina ng biktima.Sinusuri na ng pulisya ang mga footage sa closed circuit television (CCTV) na maaaring makatulong sa imbestigasyon. Inaalam din ang motibo sa ginawang pagpatay sa pulis. -- FRJ, GMA Integrated News