Isa ang patay at dalawa pa ang sugatan matapos na makaengkuwentro nila ang may-ari ng mga manok na tinangka nilang nakawin sa isang bahay sa Tarlac City na isa palang pulis.Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong Martes ng madaling araw sa Barangay Care.Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagising umano ang pulis na may-ari ng mga manok dahil sa pagtahol ng mga aso nito.Nang lumabas ng bahay ang pulis, nakita niyang ninanakaw na ang mga panabong niyang manok at isinakay sa isang tricycle.Sinita umano ng pulis ang mga suspek pero pinaputukan siya at mabuting hindi tinamaan.Tumakas ang mga kawatan sakay ng tricycle habang bumalik ng bahay ang pulis para kunin ang kaniyang baril at saka humabol ang mga suspek.Inabutan ng pulis ang mga suspek sa Aquino boulevard sa Barangay Carangian at doon na nagkaroon ng palitan ng putok ng baril.Napatay ng pulis ang isang suspek, habang sugatan ang dalawa pa, at nakatakas naman ang isa.Isang kalibre .38 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng insidente, ang tricycle, at ang ninakaw na 11 manok na aabot sa P132,000 ang halaga. -- FRJ, GMA Integrated News