Isang menor de edad ang idineklarang patay matapos makapitan ng dikya sa Siruma, Camarines Sur.

Ayon sa ulat mula sa Siruma Municipal Police, naglangoy sa dagat sa Barangay Penitan ang dalawang batang lalaki na parehong 10-taong-gulang nang sila ay kapitan ng dikya bandang 12:30 ng hapon nitong Biyernes.

Sabi ng mga saksi, dumikit daw ang dikya sa iba't ibang bahagi ng katawan ng mga bata, dahilan kung bakit sila ay sumigaw at humingi ng tulong.

Dinala ang mga biktima sa Siruma Municipal Hospital, kung saan idineklarang dead on arrival ang isa sa mga bata.

Ang isang bata naman ay nilipat sa Bicol Medical Center para mabigyan ng sapat na medikal na atensyon.

Kasalukuyang nag-iimbestiga ang Siruma Police at nakikipag-usap sa mga tauhan ng resort kung saan nangyari ang insidente upang mapagsabihan ang iba pang mga bisita patungkol sa nakamamatay na dikya. — Jiselle Anne Casucian/VBL, GMA Integrated News