Patay matapos umanong manlaban sa isang off-duty na pulis ang isang hinihinalang kawatan sa San Fernando City, Pampanga.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, naalarma umano ang ilang residente sa isang subdibisyon nang umatake ang sinasabing kawatan sa isang bahay.

Ayon sa pulisya, lumabas sa imbestigasyon na isang residente ang nag-alerto sa kaniyang anak na pulis na nakatira malapit sa kanila.

Rumesponde ang pulis at nakaharap ang suspek na tumatakas dala ang dalawang cellphone na ninakaw umano sa isang bahay.

“Nabulabog na 'yung akyat-bahay dala-dala 'yung mga ninakaw na items. 'Yung pagkakataong iyon ay pinigilan po siya ni Patrolman Ray Lemuel Zabat at sa kasamaang palad ay imbes na sumuko at ibigay ang mga ninakaw ay bumunot pa po ito ng baril kaya napilitan pong off-duty na pulis na ipagtanggol ang kaniyang sarili at nabaril niya nga po niya ang suspek,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Roy Calulot, hepe ng San Fernando Police Station.

Napag-alaman na nakatalaga ang naturang pulis sa bayan ng Mexico.

Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng suspek na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa sikmura na kaniyang ikinamatay.

“Bagamat off-duty nga po, sa tawag po ng tungkulin at sa tawag po ng pagkakataon ay reresponde po tayo. Ganun po talaga ang damdamin ng mga pulis para lang po maging safe po ang ating mga communities,” ayon kay Calulot. -- FRJ, GMA Integrated News