Isang online seller ang nahuli-cam na ginulpi ng kaniyang buyer matapos niyang ihatid ang order ng suspek sa Jaro District, Iloilo City. Ang suspek, hindi rin daw binayaran ang tinangay nitong order.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, sinabing dinala ng online seller na itinago sa pangalang “Jude,” ang order na hoodie jacket ng suspek na itinago sa pangalang "Yohanes" sa Barangay Tabuc Subâ, noong April 25, 2025.
Ayon sa biktima, matapos suriin ng suspek ang inorder nitong produkto at matiyak na walang "isyu," bigla na lang siyang pinagsusuntok.
Sa video footage, makikita na napasubsob pa ang biktima habang hinahabol ng suspek.
Matapos ang pananakit, makikita ang suspek na naglalakad palayo na may hawak na tila kasuotan. Isang lalaki pa ang lumapit at sumabay sa kaniyang paglalakad.
Ayon kay “Jude,” hindi niya personal na kilala ang suspek at unang beses lang na umorder sa kaniya.
“Dinu-double check niya ang hoodie kung merong issue o wala tapos bigla niya akong sinuntok sa ulo. Nang natumba ako, finallow-up (follow up) niya pa ako ng maraming suntok. Hindi ko mabilang dahil nagko-cover ako ng aking ulo,” kuwento ng biktima.
Ayon naman sa awtoridad, residente ng Barangay Tabuc Suba ang suspek, na wala sa kaniyang bahay nang kanilang puntahan.
"Sabi ng mga kaanak niya, nagtatrabaho. Wala naman kaming magawa kasi hindi naman mapasok ang bahay dahil hindi naman namin siya personal na nakita,” paliwanag ni Police Major Eduardo Siacon, hepe ng Iloilo Police Station 9.
Nagtamo ng bukol at galos ang biktima dahil sa nangyari. Desidido siyang kasuhan ang suspek na mahaharap sa reklamong slight physical injuries at theft dahil hindi nito binayaran ang inorder. -- FRJ, GMA Integrated News