Nasawi ang isang rider matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsilo sa isang nakaparadang elf truck sa Malasiqui, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa palikong bahagi ng highway sa Barangay Talospatang kaninang 2:30 a.m.
Sa imbestigasyon ng pulisya, galing umano sa inuman ang 19-anyos na rider na nawalan ng kontrol sa palikong bahagi ng daan hanggang sa bumangga sa nakaparadang truck.
Nagtamo ng malubhang sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ang biktima. Hindi na siya umabot nang buhay sa ospital.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News